Naghihilamos ako ng mapayapa kanina noong matapos akong maligo. Napadaan yung nanay ko tapos tumawa. Sabi niya mukha raw akong bayong. Ako naman eh dahil sanay na, parang wala lang. Natatawa lang ako dahil sa tagal nya akong inaasar (mula pa noong maliit ako) wala namang nangyayari at ang mas nakatatawa pa eh hanggang ngayon eh ginagawa pa rin nya iyon. Ang nais sana nyang resulta ay mainis ako at ma-concious para magpapayat. Eh pasensya talaga hindi umeepekto. Haha! Hindi naman sa nagpapataba ako eh pero hindi lang talaga ako pumapayat. At syempre heto na naman ako nag-iisip ng kung anu-ano. Naisip ko kung paano kaya kung nasabi ko sa kanya kung anong pumasok sa isip ko habang naghihilamos ako. Naisip ko kasi nung nasabi nya 'yon: "tapos, anong gagawin ko?" Haha kung nasabi ko iyon ng wala lang para sa akin, sa tingin ko ang magiging dating sa kanya eh nambabastos ako hahaha!
Nabanggit ko na rin yang pambabastos, nalungkot ako dahil kapansin-pansin talaga ngayon na napakaraming mga batang hindi na naturuan ng magulang na gumalang. Nagugulat ako kasi lahat na (hindi lang marami kundi lahat) ng mga batang nakikita 'ko ay walang kaalam-alam sa pagrespeto. Napapaisip na nga lang ako kung epekto lang ba ito ng media o talagang tamad na lang magdisiplina ng mga anak ang mga magulang ngayon. Ewan ko ba pero obserbasyon ko lang. Hindi na marunong matakot ang mga bata sa kanilang mga nanay ngayon samantalang noong panahong nasa edad nila ako (na mga 16 taon na ang nakaraan) karamihan ng mga bata kahit yung mga siga eh may takot sa magulang nila. Madali pa naman akong mainis sa mga bata. Baka minsan hindi ko na lang mapigilan 'pag nakatagpo ako uli ng bastusing bata eh pigain ko yung ulo nun tapos itapon ko sa kanal! Mas nakakainis pa kapag 'tong mga tamad na magulang ay nangungunsinte pa at 'pag umiyak ang anak, bigay agad ang gusto. Waah! Wala rin sigurong turo sa magulang (wow nag-aakusa!) Totoo nga pala ito sa mayayaman man o mahirap.
Itutuloy ko na dahil nasimulan ko na rin naman ang paksa ng "turo."Nagulantang ako nang nabalitaang ang mga public high school students ay grabe hindi ko matanggap. Sobrang wala na silang alam (ayon ito sa correspondents) o natututunan sa school. Ako naiintindihan ko naman dahil galing din ako sa public school na may mga guro talagang hindi mo alam kung paano naging guro. ang iba namang mag-aaral sa ibang dako ng aming paaralan ay hindi na magkasya sa silid nila. Pero sobrang nakakagulat na simpleng his-her ay hindi nila magawan ng pangungusap. ni hindi nga nila matukoy kung alin ang ginagamit para sa babae at kung alin sa dalawa ang sa babae. Waah! Dahil ba ito sa pagiging third world country natin o sadya lang kaya talagang ganito na kababa ang kalidad ng edukasyon sa bansa? Pero hindi ako naniniwalang sa public lang ito nangyayari kundi sa mga private schools din. Hindi man natin lahatin ang mga public at private schools, nakakasira pa rin ng ulo na malamang ganito na ang lagay natin ngayon. Waah nakakapraning!
No comments:
Post a Comment