Huwag itong basahin

'Wag mag-aksaya ng panahong magbasa ng kalokohan.

Sunday, June 1, 2008

Pagmumuni-muni ng isang bata

Huwag ninyong basahin kung walang interes sa mga bagay na nauukol sa pananampalataya.

Naaalala ko noong isang klase ko dati, may tinatalakay kami tungkol sa iba't ibang pook-dasalan at mga simbahan. Nabanas ako dun sa prof namin dahil may comment siya na parang "ah talaga ganyan pala sa simbahan ninyo, sa Catholic church kasi eh passive yung mga tao kaya walang kaso kung ganito ang setup." Katoliko rin siya (nagkakasabay kami magsimba eh) kaya ako nabanas kasi malamang kaya niya nasabi 'yun eh hindi kasi siya nakikisali sa misa. Minsan noong nakita ko siya sa simbahan napatunayan ko ngang isa siya sa mga tulog na tao sa simbahan. Hindi literal na tulog pero yung tipo ngang hindi nakikisali sa mga dasal at awit. Nabanggit ko ito sapagkat alam ko namang may katotohanan nga na maraming hindi aktibo sa misa.

Naisip ko nga lang eh maihahambing ko siya sa isang batang sumasabak sa mga kilos protesta na wala namang naiintindihan sa sinasabi nila at wala namang ginagawa. Nagrereklamo lang. Marami kasing mga Katoliko ang lumilipat sa mga protestanteng simbahan dahil nga nakukulangan daw sila sa lingguhang misa. Paano naman kasi, pupunta ka na nga lang sa misa matutulog ka pa at hindi sasali sa mga dasal. Malamang ganyan din ang kanilang pananampalataya kaya madali silang naiimpluwensyahan at nagbabago ng pananaw.

Totoo naman at napansin ko nga rin na kapag ikaw mismo ang nagsimulang aktibong nakikisali sa misa, maiimpluwensiyahan mo 'yung katabi mong makisali rin. Eh tulad nga nung prof ko, siya mismo hindi aktibo sa misa kaya malamang mahihiya o tatamarin din 'yung mga katabi niya kung pareho sila ng pananaw sa pagsisimba. Nasubukan ko na 'yan at epektibo talaga. Kapag kumakanta ka at sumasagot sa mga dasal sa misa, gagaya rin 'yung katabi mo.

Kanina yung homily ay tungkol sa "authentic faith." Paano ba natin maipapakita ang tunay na pananampalataya? Kailangan nating laging pagsamahin ang pagsamba at paggawa ng mabuti. Sa mga salita nga ni father "faith + good works" palagi. Kung puro pananampalataya lamang sa pamamaraan ng pagsamba ang paiiralin, kulang dahil lalabas na puro pagpapanggap lang ang pananampalataya. Kung puro mabuting gawa naman na walang pananampalataya, nagiging makasarili ang tao. Mabuting gawa sa iba para sa lamang sariling satisfaction ang nangyayari. Nararapat na ang lahat ng ginagawa nating mabuti ay iaalay natin sa Diyos upang makamit natin ang pananampalatayang walang pagkukunwari.

Sa mga katulad kong Katoliko na nagdadalawang-isip sa kanilang paniniwala. Pag-isipan nyo muna kung ano nang nagawa mo para sa iyong simbahan. Ano ba ang nagawa o hindi nagawa ng iyong simbahan sa iyo at naghahanap ka na kaagad sa iba? Ano pa bang hindi mo alam sa iyong pananampalataya? Pag-isipan mo at magsaliksik ka siguradong makikita mo rin ito sa kasalukuyan mong simbahan. Kung wala pa talaga, humingi ka ng tulong sa mga opisyal ng iyong simbahan. Sumali ka sa mga grupo at organisasyon sa simbahan mo na makatutulong sa iyo.

Hindi lamang ang simbahang Katoliko ang tinutukoy ko rito. Maging ang ibang simbahan at pananampalataya. Huwag kayong padadala agad sa kung anong nakita mong bago. Tignan mo ang simbahan at pananampalataya mo ngayon siguradong mahahanap mo ang makikita mo nang hindi ka tumitingin sa iba.

No comments: