Ilang linggo na ring puro tungkol sa board exam ang aking isinusulat dito. Ngayon pag-usapan naman natin ang pagkain. Ano nga bang babaunin natin sa board exam? Wehehe tungkol pa rin pala sa board exam. Pero kahit na usapang pagkain ito. Ako, napili kong magbaon ng processed food. Bakit? Una, madali itong kainin. Pangalawa, marami itong betsin. At ang panghuli at pinakamagandang dahilan ay hindi ito maganda sa kalusugan. Medyo malabo yata yung huli parang wala lang akong maisip ne? Sa unang araw ay kakain ako ng paborito kong processed food na maraming salitre, tocino. Sa susunod na araw naman ay nuggets para mapuno ng harina ang aking utak. Sa huling arawa ay nakalatang hamon para makalawang.
BUMILI KA NG SAMPAGUITA KUNDI SASAMPALIN KITA!
Haay! Mga tao nga naman... Kanina sa SM nang kami'y pauwi mula sa pamimili ng mga kailangan sa bahay, may nakasalubong kaming nagbebenta ng sampaguita. Noong una umiling na 'ko kasi wala na talaga 'kong pera kahit bente... pinambili ko na ng gamit para sa board. Dumukot naman ako sa aking bulsa at sa kasamaang palad wala talagang mahihita sa akin. Nakita naman nitong si ate ang nangungulit na bata. Binili na rin niya yung sampaguita. Maya-maya ay may lumapit uling babae na kasama nitong si batang nagbenta na sa 'ming nauna. Pinipilit niyang bilhin din namin. Siyempre sabi namin sa iba naman siya magbenta at binili naman na namin yung mga hawak nung kasama niya. Nangulit pa rin 'tong si babae at ayaw umalis. Paulit-ulit ding sumagot ang ate ko na sa iba ka na lang magbenta. Nayamot itong si ateng sampaguita at lumayas ng may binubulong-bulong pa (may sinasabi yatang 'para bente lang' o kaya ay 'para makauwi na nga lang' ng medyo iritable) Eh siyempre sumagot naman itong si ate na, "sabi ko kasi sa 'yo ibenta mo sa iba eh." At aba itong mataray na nagbebenta ng bulaklak eh sumagot, "oo na! oo na! tama na!" Kung tinotopak ako eh pinatulan ko siguro siya. Aba eh kapalmuks din naman at siya pa ang galit at pikon.
DEFINE 'MAPANLAMANG'
Nasa pila pa rin kami ng taxi at maya-maya'y may dumating na nga. Isinakay na namin ang mga pinamili at pumasok sa taxi. Noong makaandar na kami ng konti eh sabi nitong si manong, "Dagdagan nyo na lang ng bente ha." Di kami sumagot dahil obyusli hindi tama 'yon at hindi nararapat. Nahalata nya yatang ayaw namin. Hindi na rin kami bumaba at umangal (na kadalasa'y aming ginagawa) dahil gabi na at pagod na kami. Nagkuwento ngayon itong si manong tungkol sa naunang gustong magpahatid sa kanya. Namili raw ng malaking tv at washing machine at nagpapahatid sa Novaliches. Kwento-kwento naman siya na napakakuripot daw nitong mga sasakay dahil ayaw magdagdag. May nalalaman pa siyang ninety percent daw ng mga sumasakay ng taxi ay kuripot. Nangangati na yung dila kong sumagot, "Oo nga ho eh at 99% ng mga taxi drayber eh nanggugulang ng mga pasahero." Habang iniisip ko 'yon eh bigla niyang sinabi, "Ganyan talaga ang mga tao basta lang makalamang eh manlalamang talaga ng iba." "Parang kayo ho no?" gusto kong sabihin. Haay nanggigigil na 'kong sagutin yung mga kalokohang sinasabi niya. Ang masama pa nito napakabilis nung metro niya tapos may dagdag pang hiningi.
Alam nyo po ba manong na kayo'y nanlalamang ng kapwa? Lahat ng mga nagtatrabaho ay nagbabayad ng tax at kayo nakukuha nyo ng buo yung pera nyo bukod sa boundary ng walang bawas. Magkano 600 minimun kada araw? Eh yung mga nagtatrabaho lang na kailangan lang talagang sumakay ng taxi dahil maraming dala o kung ano pa man buti kung umaabot ng 600 ang kita nila kada araw. Mas mareklamo pa kayo, aba di lang kayo ang naaapektuhan ng pagtaas ng gasolina. Haay nakakapagngitngit talaga.
No comments:
Post a Comment