Huwag itong basahin

'Wag mag-aksaya ng panahong magbasa ng kalokohan.

Wednesday, September 17, 2008

Si Mortise at Si Tenon

Wow may bago akong gustong gawan ng kwento. Gawin ko kayang manga 'tong si Mortise at Tenon.. Ano kayang pangalan nila sa Hapon..?

Kukwentuhan muna kita ng nangyari sa araw na ito. Nagising ako ng maaga kanina nang mag-alarm ang aking cellphone. Ginising ko si ate para magluto ng almusal. Haha! Masamang bata! Pinagmasdan ko ang aking sarili sa salamin. Wala akong makita dahil sa dami ng mutang namuo sa paligid ng aking mata. Humiga-higa ako sa sofa at nang mahimasmasan ay naligo na. Natapos ang maikling paliligo at ako'y nagbihis na. Kumain na kami ng agahan at ng gelatin ni ate (na tayp din ni Chibi). Nagmadali akong lumabas ng bahay na makita ko ang oras. Nagtungo ako sa sakayan ng traysikel at nagpahatid sa sakayan ng UP Ikot.

Makalipas ang ilang minuto'y nakasakay na rin ako sa dyip bitbit ang mga basurang kailangan ko para sa mock board. Ay! baka magtampo sila sa akin... hindi pala sila basura... ang aking mga kayamanan hahaha! Matapos ang maikling paglalakbay ay nakarating din ako sa daan patungo sa liblib na IDS 122A kung saan ginaganap ang taunang Mock Board Exam.

Dumating ang exam at ang lahat ay naging seryoso (haha parang may mali!). Nakaaaliw ang ibang mga tanong at nakababaliw naman ang iba. Ang isang minuto'y parang tumagal ng isa't kalahating minuto... (ermm...huh?) At ako'y magfa-fast forward. Natapos ang exam nang hindi ko nalalaman ang totoong sukat ng isang krib. Tulad ng madalas na nangyayari nanghula na naman ako.

Natapos na nga ang exam at ako'y nagmadaling pumunta sa simbahan sa pag-aakalang may misa ng alas singko. 'Yun pala wala. Kumain na lamang ako sa SC ng sizzling liempo na hindi naman nagsi-sizzle. Nakakabanas pa dahil wala RAW silang kutsara't tinidor. Makalipas ang tila isang oras ng paghihintay sa kutsara't tinidor ay may dumating na aleng may dalang plastik. Kumuha itong si isang ate ng tissue mula sa bitbit na plastik nitong si ale. Nag-init ng ulo ng makita kong naroon lamang pala sa isang sulok ang kutsara't tinidor na itinago ng walanghiyang ate. Binalot niya ito ng tissue bago ibinigay sa akin. Gusto kong idikit ang mukha niya sa maitim na platong nasa harap ko. Haay! Gutom na gutom pa naman ako. Sana hindi na kami muling magtagpo ng landas at hindi ko alam kung anong gagawin ko sa kanya pag nagkaganoon.

Paglabas ko ng kainan noong ako'y naglalakad na palabas ng SC, may nakakayamot na manong na kumakanta-kanta sa gitna at nangangarap yatang madiskober ng kung sinong makaraan. Nagpapaka-raker-raker siya doon sa gitna ng mga makinang nagsasayang nga papel. Matapos akong mabwisit at makakain, nagtungo na ako sa simbahan. Aliw na aliw akong naglakad habang iniisip na may kalokohan na naman akong isusulat ngayon. Pumasok ako sa simbahan at hinintay ang aking ate. Habang naroon ay nagmasid ako sa aking paligid. nakita ko ang mga painting ni Vicente Manansala. Naisip ko agad.. ooh Cubism. Siya nga rin pala 'yung First Filipino...err whatever. Di ko maalala. Dumating rin anf aking ate at nagsimula na rin ang misa. Nakinig ako at nagtaka sa kakaibang accent 'nung pari. Para siyang si Rex Navarrete na Pilipinong-Pilipino ang hitsura pero kakaibang magsalita.

Natapos ang misa at kami'y nag-abang ng Philcoa na dyip. Nakaalis na lahat ng nag-aabang (bukod sa amin) at wala pa ring dumating na dyip. napagkasunduan naming sumakay na lamang ng taksey. Bitbit ang aking mga kayamana'y naupo ako sa taksi at natuwang makakauwi na rin sa wakas.

'Yan ang kwento ng aking nakagugutom na paglalakbay. Harharhar! Nasaan si Mortise at Tenon?

No comments: