Kung may napili ka nang iboboto, wala na akong masasabi sa 'yo. Pero kung nag-iisip ka pa lang kung boboto ka ba o kung sino ang iboboto mo, sige lang mag-isip ka habang may oras pa. Kung trip mo namang basahin 'to, okay lang din.
Ito ay naisip ko lang naman habang kumakain ng yogurt na lasang luma. (Pinapalitan ko pero parang luma pa rin.) Haaay... anyway, sisimulan ko sa pagsasabing bumoto ka. Karapatan mo ito at tungkulin mo rin naman sa iyong mga kababayan. Kung hindi tayo boboto, sino pang aasahan nating gawin ito? Ngayon, ang tanong naman ay sinu-sino?
Dalawang bagay ang maimumungkahi ko sa iyo. Basahin ang mga sumusunod:
1. Magbasa-basa ng tungkol sa mga kandidato.
Humanap ka ng iba't ibang balita o impormasyon tungkol sa mga kandidato. Maraming mga articles mula CNN at mga pinagkakatiwalaang pahayagang lokal ang maaaring mahanap online. Pumili ka ng iba't ibang sources. Hanapin mo rin ang background, credentials at platform nila mula sa tumatakbong pangulo, senador at iba pang lokal na opisyal. Subukan mo rin manood ng mga naging speech o debate nila kung may oras pa.
Mahalagang tandaan na malaking pagkakamali ang maniwala sa lahat ng impormasyong nasa social media. Hangga't maaari, magbasa ng mga bagay na wala sa Facebook.
Medyo matrabaho ito pero kung alam mo na lahat ng 'yan at wala ka pa ring mapili, basahin ang nasa ikalawang bilang.
2. Mas simple ito. Isipin mo lahat nang naging leader sa buhay mo. Umpisahan mo sa magulang mo, guro, classroom officers, SK officials, team leaders, supervisors at marami pang iba. Ano ba ang gusto at ayaw mo sa kanila? Maaaring mong itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:
a. Ano bang naituro niya sa akin?
b. Paano ba nya ako naimpluwensyahan?
c. Gusto ko bang maihambing sa taong ito?
d. Tinuruan ba niya akong mapagbuti ang aking sarili at aking kapwa?
e. Makatarungan ba ang mga nagawang desisyon ng taong ito?
Pagnilayan mo nang mabuti kung anong klase ng tao ang gusto mong mamuno sa iyong bansa. Sa pagpiling ito, alalahanin mong hindi lamang nag-iisa ang Pilipinas sa daigdig na ito. May mahigit kumulang isang daan at siyamnapung bansa sa mundo (depende sa pagkukunan mo ng impormasyon). Bawat isa sa mga 'yan ay pinamumunuan ng mga taong kumakatawan sa kanila. Isipin mo rin kung magiging mahusay na kinatawan ba ang pipiliin mo. Mapapanatag ka ba kung kapitbahay mo ang taong 'yan? Maihaharap mo ba ang taong ito sa mahahalagang tao sa buhay mo? Maipagmamalaki mo ba sa lahat na siya ang kumakatawan sa lahat ng mamamayang Pilipino?
3. Sabi ko dalawa lang pero surprise! May number 3! Suriin mong mabuti kung anu-ano ang tunay na pinahahalagahan mo sa buhay. Mahalagang magkatulad kayo ng pinaniniwalaan at pagpapahalaga (values). May Diyos ka man o wala, naniniwala akong nalalaman mo kung ano ang tama at mali.
Sa huli, hindi ko na rin kinain 'yung yogurt.
No comments:
Post a Comment