Nitong nakaraan ay nagtungo kami sa Quezon City Hall upang magbayad ng dapat bayaran. Matapos ang lahat ay doon na rin kami nananghalian.
Maraming kumakain sa paligid sapagkat maraming mga nagbebenta ng pagkaing Pinoy. Ilan sa mga ito ay kalamay, okoy, karyoka, turon, kanin at ulam, halo-halo, atbp. Habang masayang kumakain (bagama't nag-aalala sa dami ng mantika ng pagkain), napansin naming maraming umaalis na nag-iiwan ng mga pinagkainan nila sa mga halaman at ilalim ng mga upuan. Nakapagtataka sapagkat ni hindi ko man kinailangang tumingin pa sa malayo upang maghanap ng basurahan.
Ayan oh! Ang layo 'di ba? Sa katunayan, marami pang mga kalat ngunit hindi ko na lamang nakuhanan dahil nahiya naman ako sa ibang mga kumakain. At dahil may kahihiyan ako, itinapon ko naman lahat ng nakita kong basura sa lugar na iyan.
Tatlong malalaking basurahan, ilang hakbang lamang mula sa aming kinauupuan. Nakapagtataka kung bakit maraming pinagkainan sa paligid sa kabila nang pagkakaroon ng mga basurahang makikita mo kahit hindi ka mahilig sa kalabasa.
Katamaran lang talaga ang tanging naiisip kong dahilan. Bakit ba ang tamad-tamad ng mga tao? Napakasimpleng bagay nito pero bakit hindi magawa nang maayos? Ano ba yan? Gising mga kababayan, maliit na bagay lang ito. Ni hindi ka man pagpapawisan sa paglapit sa basurahan (Yes, zero calories). Ang dami-dami nating reklamo sa buhay pero wala tayong ginagawa para solusyunan ito. Gusto ko sanang maniwalang hindi pa napag-iiwanan ng sibilisasyon ang Pilipinas ngunit parang nawawalan na ko ng pag-asa.
Ang daming dinadahilan at ang daming sinisisi. Ang daming dinadahilan. Ang daming sinisisi. 'Yan na nga ba talaga ang nangingibabaw na ugali ng mga tao sa bansang ito? Sana'y gugulin na lamang natin ang oras sa paggawa ng mga bagay na ikabubuti ng ating buhay. Itigil na sana ang pag-asa lamang sa iba. "May magtatapon naman nyan." Tsk tsk tsk.
Simple lang naman. Gawin natin kung anong makakaya natin. Sanayin natin ang ating mga sariling gawin ang tama. Ayusin natin kung ano ang mali.
Grabe basura lang ang dami ko nang sinabi. 'Yun nga yun eh. Sariling BASURA LANG natin hindi pa maitapon nang maayos. Anong mahirap doon?
Buti na lang may mga grupo ng taong gumagawa nito. May mga tao pa ring may malasakit.
At dahil ako ito, sa totoo lang hindi naman ko sinasadyang sabihin ng malakas: "Grabe ang tatamad ng mga tao. Ang lapit-lapit lang ng basurahan hindi pa itapon!" Nagpapasalamat na rin naman akong narinig nung katabi namin. Tumayo silang tatlo at iiwan na sana yung pinagkainan nila sa mga halaman. Sabi nung isa, "Uy yung basura..." May gamit din ang pagiging maldita minsan.
Diyan nagtatapon este nagtatapos ang aking kwento. Ayon nga sa pamangkin ko, "The End."
No comments:
Post a Comment