Huwag itong basahin

'Wag mag-aksaya ng panahong magbasa ng kalokohan.

Saturday, November 22, 2008

Ayoko munang lumabas ng bahay!

Kahit na malapit ko nang patayin itong aso ng kapitbahay namin na nakakainis na sa sobra-sobra niyang pag-iyak, eh ayaw ko munang lumabas ng bahay. Grabe kasi talaga kapag malapit na ang Pasko, maraming hindi magandang nangyayari sa mga pampublikong lugar, lalo na sa mga pampublikong sasakyan. Nakakainis na talaga 'yung mga umaabuso na sa panghihingi ng tulong. Madalas nag-aabot sila ng mga sobre, sulat at kung anu-ano na minsan eh parang imbento na lang. Ok lang sana kung manghihingi lang sila ng kusa mong ibibigay pero nakakayamot kapag namimilit na sila at nangungulit. Eh sa kalagayan kong ito na wala pang sariling kinikita eh paano naman magiging magaan sa aking kalooban na bigyan na lamang lahat ng manghingi sa akin? Makasarili nga ako siguro pero nakakainis lang isipin 'yung iba na alam mo namang nanloloko lang talaga at may kakayahan namang kumilos at magtrabaho ang siyang mga malakas manghingi at mabuhay na lamang sa paghingi.

Ayaw ko rin munang lumabas ng bahay dahil ayaw kong gumastos at mausukan sa labas. Lalong ayoko nang mag-mall dahil lahat ng mga tao sa Maynila eh nagkukumpulan sa mga Mall para maglakad-lakad o kaya minsa'y mag-shopping para muli sa Kapaskuhan. Gusto ko munang manahimik at magkulong sa bahay (lumalala na ang aking "sakit"). Syet napupunta na naman 'to sa ayaw kong makakita ng mga tao. Tama na nga! Wala nang saysay 'tong mga pinagsususulat ko. Basta, Meri Krismas na lamang sa inyong lahat! Sana'y palaging makapagsimbang gabi!

No comments: