Ilang araw na rin akong bilang ng bilang ng kung anu-anong bagay. Wala lang siguro akong masyadong trip gawin. Napaisip lang ako kanina kung alin-alin ang limang bagay na hindi ko kayang hindi gawin.
1. Kumuha ng Litrato
Wala man sa pagkakasunud-sunod ng pinakahindi ko kayang hindi gawin, ito'y isa lamang sa mga unang pumasok sa isip ko kanina. Simula noong naipakilala sa akin ang digital camera ay nahilig na akong magkukuha-kuha ng kung anu-anong bagay, lalo na ng mga taong hindi nakatingin. Simula noong college si ate noong siya'y namili ng digicam ay nahumaling na talaga ako rito. Hindi kasi tulad ng dating mga camera, nakikita agad ang ma kuha sa digicam. Mula noon ay mahirap na kaming paghiwalayin ng aking mga camera. Dala ko sila kahit saan hehehe. May pangalan nga pala silang lahat. Yung unang-unang binili ni ate na Logitech na hindi pa gaanong malinaw ay si Odyi. Yung sumunod 'kong Kodak ay si Kamu-chan, Casio ay si Tyaki, at si Nikon ay si Kun-kun. Nakakaaliw lang kumuha ng picture ng mga taong kung anu-ano ang ginawa at kung anu-ano ang expression ng mukha. Nakakaaliw lang dahil mahilig akong kumuha ng picture pero 'di pa rin ako magaling manglitrato hehehe.
2. Kumain ng Masarap
Kailangan pa ba ng pagpapaliwanag nito? Kumain ng masarap. Ibig sabihin mag-enjoy kumain masarap man o hindi gaano.
3. Magsulat at magkwento
Bata pa lamang ako eh mapag-imbento na 'ko ng mga kwentong ikinukwento sa mga kalaro at mga laruan. May pagka-abnormal ako kaya kinukwentuhan ko pati mga laruan ko ok? Nakatutuwa nga noon dahil nakagagawa ako ng kwento agad-agad (impromptu ba hehe) ngayon ang gulo-gulo ko nang magsalita. Mahilig akong magkwento ng nakakatakot (noon), nakakadiri (ngayon), at minsan mga normal na bagay kung hindi 'man kalokohan. Noong elementary naman palagi rin akong nagsusulat at naalala ko pa noong gumawa kami ng "class newspaper" (dahil pinaalala ng aking kaibigang si Carlo na isa sa mga pasimuno rin nito haha) na naglalaman ng mga kalokohan sa classroom. Noong hayskul, kung saan-saan ako sumusulat. Sa desk, tisyu, resibo, at kung saan 'pang pwede nakita kong pwedeng sulatan. Hanggang noong college, natripan ko namang magsulat ng blog at dito naman magkalat ng lagim.
4. Mag-computer
Hindi ko na kayang mawalay kay computer ng matagal dahil sobrang magkarugtong na ang aming circulatory system. Hindi ako makatagal nang walang kinakalkal o nilalaro sa aming computer. Si SuC (susi) kung aming tawagin ang aming pc, si Luma (haha) ang aming lumang P4 at si Taptap ang aking mga karamay sa buhay haha! Natatangi at mabubuting mga kaibigan ng mga anti-social.
5. Manuod ng anime
Isa na namang karamay sa buhay ng isang taong tulad ko ang telebisyon. Bukod sa mga pelikula, NatGeo, Lifestyle, AXN at HBO, hindi ko kayang hindi manood ng anime sa loob ng isang buwan. Kahit sobrang dami ng gawain noong college, isisingit at isisingit ko ang panonood ng anime dahil 'yun na lamang minsan ang natitirang motivation ko sa paggawa ng mga bagay. "Kailangan na 'tong matapos para makanuod na ko ng anime!" 'Yan lagi ang iniisip ko para matapos agad ang mga plates at papers.
No comments:
Post a Comment