Nakakasawa na talaga ang mga taong kilala ka lamang 'pag gusto nila lalo na kapag akala mo magkakilala na kayo. Yak! Ang gulo! Siguro malapit-lapit ang mga taong ito sa species ng mga parasitikong bulate. Hmm... Tama! Siguro may mga pagkakataon din na ganoon ang dating ng pakikitungo ko sa mga malapit sa akin pero sigurado akong hindi 'yon intensyunal. Wahaha o kaya baka minsan ay totoo nga. Ewan basta ako wala namang sinasadyang kaibiganin lamang ang mga tao sa mga pagkakataong may kailangan ako. Paalala lang, paki-review naman nating lahat kung may nagagawa man tayong ganito kasi pangit eh.
Bukod dito nakakabanas din ang mga taong hindi marunong makaramdam na may mali na silang ginagawa. Ewan ko kung tama ako pero madali ko yatang ma-gets kung may nababanas na sa 'kin (pero oo minsan makapal din ang kalyo ko). Hindi ko na tuloy alam kung manhid lang talaga ang mga tao o nananadya lang (minsan ginagawa 'ko). Pero pinakamalalang nakaharap ko eh 'yung tipong sinasabi mo na ng harapan ang problema eh hindi man lang tinatablan. Bullet-proof vest?
Nakakainis din yung mga taong sinungaling. Sino ba nga naman ang hindi pa nakapagsinungaling ever? Sinungaling ang magsabing 'di pa nakapagsinungaling. Ayos 'di ba? Ang nakakainis sa mga sinungaling eh yung tipong inaaraw-araw hanggang sa magkapatong-patong na si kasinungalingan at sobrang wala nang totoong lumalabas. Pirated na may pangit na subs?
Mas nakakasuklam pa kay sinungaling eh itong si mapagpanggap. Lalo na 'pag tipong matagal mo nang alam ang ligaw ng bituka pero nagpapanggap pa rin para sa ibang tao, siguro para matanggap ng lipunang mapanlibak? Kilala natin 'to. Ilang katawagan ay thermoset, PVC, acrylic, orocan, supot... ano, plastik? Well, kailangan din siguro 'to sa buhay nang manatiling matiwasay ang mundo. Pero pangit pa rin, peke, hindi pangmatagalan. Pwede rin palang ihambing sa veneers. Mababaw lang at di panghabambuhay. Pag kinuha mo ang section iba yung materyales na nasa bungad at ang mga nasa loob ay magkaiba. Bago pa 'man maging construction ang usapan, itutuloy ko na. Nakakasawa 'tong mga taong ito kasi parang lagi ka na lang may pinanonood na bagong palabas na hindi naman natatapos at nagpapalit palagi ng plot. Mahirap maintindihan. Ewan, malabo. (Maligoy at nakalilito ang partikular na talatang ito sapagkat magulo na rin ang utak ko)
Sobrang hindi nakakatuwa 'yung mga mahilig mangako tapos di naman gagawin. 'Yung mga pangakong tipong nakapagbabago ang isang buwan, taon o ng buong panahong nabubuhay ka sa mundo. Malamang maraming beses ko na rin itong nagawa sa maliliit na bagay dulot ng pagkamakakalimutin ko at pagiging schizo. Minsan siguro sinadya ko rin. Pero kapag iniisip ko ang mga pagkakataong may nangako sa akin at hindi tumutupad sa usapan, nakakaimbyerna. Maaaring isang kaso lamang ito ng pagiging sinungaling o kaya'y sadyang nanggagago lamang ang mga gumagawa nito. Nainis na 'ko bigla ngayon nang may maalala ako. Wala na akong masabi.
Naiinis din akong marami sa mga bagay na hindi ko gusto ay nagawa ko na ng isa o mahigit pang beses sa ibang tao. Kaya nga aking pinag-aaralan ngayon kung bakit ako nasusuya sa ibang tao at sa aking sarili. May gagawin ba ko tungkol dito? Who cares?
No comments:
Post a Comment