Huwag itong basahin

'Wag mag-aksaya ng panahong magbasa ng kalokohan.

Saturday, October 11, 2008

Para sa mga Klules... Paano nagdedsayn ang mga Interior Designers?

Ayan gagawin 'ko ito para sa karagdagang kaalaman ng nakararaming medyo kluless sa ginagawa ng mga Interior Designer. Marami kasing nagtataka pa rin ngayon, anong ginagawa nyo sa board exam? (Madali lang daw sabi ni Kluless) Eto magbibigay na lang ako ng halimbawa.

Para lamang itong problem solving kung pamilyar kayo sa terminolohiyang ito na ginagamit din sa math (hindi sinasadyang sarcastic). Siyempre una sa lahat ay may problem kung saan hahanapan mo ng solusyon. Tulad din sa math, hindi lahat ay may iisang solusyon at maaari itong magkaiba-iba ayon sa nagsosolve.

Magbibigay ako ng maikling paliwanag.

1. Siyempre hanapin muna ang given.

Ito ba ay bahay, opisina, paaralan, mall, kainan o kung saan?
Para kanino ba ito?
Para ba ito sa mag-asawa, sa mga doktor, matatanda, may hika o may sakit?
Magkano ba ang ilalaang badyet para sa proyekto?
Saan ba nakatayo ang gusali?
May mga limitasyon bang idinidikta ng namamahala sa lugar o kaya ang ng mga architectural features ng lugar?
Anong mga batas ba ang kailangang sundin para sa uri ng lugar na ididisenyo?

Marami pang ibang mga criteria na dapat pag-aralan ngunit hindi ko na sasabihin dahil sinulat ko nga kanina maikli lang dapat.

2. Ayon sa given ay bumuo ng konseptong nararapat para rito.

Ang konseptong aking tinutukoy ay siyang magdidikta ng kabuuang hitsura ng space na iyong idedesign. Hindi ko na ipaliliwanag ngunit mahalaga ito.

3. Pag-aralan ang plano.

Oo, syempre ito ay kung may plano ka nang hawak. Kung wala pa eh ikaw pa rin ang magsusukat. Pero kung tipong exam naman ang ibibigay eh malamang meron na nito.

Anong mga spaces ang kailangan?
Para sa ilang tao?
May mga espesyal bang pangangailangan ang mga gagamit?

Para sa paggawa ng floor plan, anong materyales ang gagamitin? Anong pattern?

Marami pa...

Syempre gagawa ka ng bubble diagram na akin na ring nakasanayan... At pag-iisipan kung aling mga furniture at anong mga sukat nito ang kakasya sa space na may tama pa ring mga daanan at traffic paths. (madaling sabihin ngunit mahirap gawin)

Anong klaseng partitions ang gagamitin mo kung wala pa? Gagamit ka nga ba ng partitions o mas mabuting open plan na lang?

4. Kung nanghihingi ng mga power layout, switching layout at reflected ceiling plan...

Power Layout - Layout ng mga saksakan ng kuryente... (outlets para sa mga timawa)at pati ng telepono, lan at kung anu-ano pa

Switching Layout - Saan nakalagay ang mga switch ng ilaw at kung alin ang mga ilaw na kinokontrol nito. Ito ba ay 3-way, 4-way...

Reflected Ceiling Plan - Layout ng mga ilaw sa kisame at disenyo nito. May dropped ceiling ba? Cove lighting? Suspended ceiling? Coffered ceiling? Anong klaseng materyales gawa ang mga ito? Anong klaseng ilaw ang gagamitin at anong wattage at kulay? Anong klaseng lighting fixture ito nakalagay at kung may diffuser ba o wala...

Ang lahat ng ito sa nakabase sa plano at layout ng furniture na ginawa. (kaya hindi ito magagawa hanggang di ka pa tapos sa floor plan)

5. Kung nanghihingi ng elevations at section...

Sa elevation pinakikita kung anong mga bagay ang built-in sa iyong pader. Dito rin makikita ang mga sukat at taas ayon sa pangangailangan ng gagamit. Counter heights halimbawa o kaya ay taas ng switch mula sa sahig.

Sa section naman ipinakikita kung paano mo i-coconstruct ng aktwal ang iyong kaaibang wall features. May detailed section at sectional elevation na sobrang magkaiba ngunit di ko na ipaliliwanag pa. Nandito rin ang sandamakmak na specifications kung saan nakalagay kung alin ang mga materyales, joints, connections ar sukat ng kung anu-anong mga bagay.

6. Furniture Schedule

Mula sa concept mo, malamang ay may nakatakda ka nang style at kung anumang hitsura ang gusto mong makita.

Idodrowing mo ang bawat piraso ng muwebles na inilagay mo sa plano. Kung ilan... depende sa hinihingi o sa kinakailangan. Sa ilalim ng larawan ng furniture ay kailangang nakasaad kung anong uri at pangalan, ilang piraso, anong sukat at kung anong materyales ang ginagamit.

7. Material at Color Board

Dito nakalagay kung anong color scheme at halimbawa ng aktwal na materyales na gagamitin sa proyekto. Syempre ang mga ito ay nakabase sa iyong konsepto na kanina ko pa sinasabi.

8. Perspective

Ito ay para kay kluless. Hindi lang para sa kanya kundi sa lahat ng nangangailangang makaintindi ng kabuuan ng iyong disenyo. Ito ay uri ng pagguhit na nalalapit sa hitsura ng isang larawan. Ipinakikita rito sa anyong 3D kung anong ang hitsura ng iyong disenyo na sinusunod ang ginawa mong plano, ceiling plan, color scheme at materyales.

Marami pang detalyeng hindi ko na isasama. Pero hayan naipaliwanag ko na rin ng maikli kung paano nagdedesign ang mga Interior Designers na pinag-aaralan ng mga Interior Design students.

Sa mga nagtatanong, mahabang storya talaga 'to kaya huwag mag-abang ng maikling sagot 'pag nagtanong kayo. Bukod dyan ay marami pang pinag-aaralan ang mga Designers upang makabuo ng isang epektibo ang magandang disenyo. Kailangan alam mo rin ang mga period styles, bagong styles at elements na tulad nito upang mabigyang solusyon kung anumang problema ang inihaharap sa isang interior.

Mukha sigurong madali para kay kluless pero... bahala kayo try nyo lang isang beses baka madali nga talaga.

No comments: