Kung ang ibig sabihin ng pagtanda ay mas marami pang gamot eh ayoko na talagang tumanda. Sa aking expectations sa aking buhay sa edad na ito ay hindi kasama ang pag-inom ng apat na klaseng gamot para tumino at mabuhay ng normal. Alam kong marami sa edad ko ang mas malala ngunit hindi nga ito ang inasahan kong mangyayari sa akin. Sabi lang ng nanay ko kanina habang pinupuno ko ang bawat kahon ng lalagyan ko ng gamot na 'pag tumanda raw ako mas marami pa 'to. Ayoko.
Alam ko rin na ang mga gamot na itong binibigay sa akin ay unti-unting niluluto ang utak ko sa hindi ko alam na putahe. Kung hindi ko naman iinumin, babalik ako sa dating kalunos-lunos kong kinalalagyan. Hindi nawawala ang takot ko na isang araw ay bigla na naman ako babagsak sa kalaliman ng aking sarili na hindi ko maipaliwanag. Kaya kailangan kong pagtiyagaang lunukin ang mga ito kahit nakakasawa at nakakasuka. Ayoko lang kapag naiisip ko kung bakit ko nga ba kasi kailangan pang bumuti? Wala na akong mga pangarap o kaya ay hinahangad sa ngayon. Kung anu-anong pinipilit kong pumuno sa utak ko upang hindi ko maisipang hindi ako nararapat sa mundo. Kailangan kong mag-isip ng mga walang kwentang bagay para tumigil tong gumugulo sa utak ko. Hindi ko gustong tumigil pero laging ganun. Titigil, mag-iisip, titigil, mag-iisip ng mas malalim.
Nagsisimula na naman ako. Tama na.
No comments:
Post a Comment