Nagloloko ang utak ko tuwing naiisip ko kung ano ba ang batayan ng pagiging mabuti. Paanong naging mas mabuti o mabait ang isang tao sa iba? Halimbawa, hindi ko maintidihan kung bakit sinasabing mas mabuti kang tao kung bukal sa loob mo ang pagbibigay kaysa sa mga nagbibigay para lang masabing nakapagbigay siya. Hindi ba't sa huli'y pareho naman silang nakatulong. Kung ang kabutihan ay may ganitong sukat, hindi ba't parang nagiging mapanghusga ito? Kung mapanghusga ito, hindi ito mabuti tama ba?
Bilang mamamayang namulat sa kulturang Pilipino, nangingibabaw ang simbahan bilang tinitingalang sangay ng lipunan pagdating sa tamang asal at pag-uugali. Simbahan din ang nagpapalaganap ng salita na nagsasabi kung ano ang tama o mali ayon sa bibliya. Ang hindi ko lamang mapagtanto ay kung bakit ipinahahayag ng malinaw ng simbahan na ang isang tao ay mas bibiyayaan at mas mabuti kung susundin nya ang pamantayang nakasaad sa bibliya. Halimbawa na lamang, sinabi sa mga homilya na kapag mas malaki ang sakripisyo mo ay mas malaki ang halagang kabutihan nito at mas mamahalin ka ng Diyos.
Hindi rin naman lingid sa aking kaalaman na mayroong sinasabing mga pamantayan sa pagiging mabuti ng isang gawain. Binabase ito sa motibo, paraan ng paggawa at ang kalalabasan. Sabihin na nating iisa lamang ang paraan ng paggawa at ito ay nasa tama. Gawin na rin nating ang kalalabasan nito ay mabuti. Kailangan ba talagang mabawasan o madagdagan ng motibo ang magiging halaga ng mabuting kalalabasan sa huli? Muli, isang halimbawa ay kung ang isang lower middle class na tao ay nagbigay ng abuloy dahil gusto nyang maging mabuti ang tingin sa sarili, masasabi bang mas hindi mabuti iyon kumpara sa isang mahirap na nagbibigay ng buong puso kahit sya'y wala na? Masasabi bang may double standard ang kabutihan?
Marami pang argumentong naglalaro sa aking utak ngunit nalilito ako sa pagsulat nito kaya heto na muna ang unang bahagi ng blog na ito.
No comments:
Post a Comment