Lumuwag naman ang aking pakiramdam nang aking malamang maayos na ang isa sa aking mga kaibigang panandaliang nawala. Sobra akong nag-alala noong mga panahong hindi siya nagpaparamdam dahil sa isang suliraning dapat nyang tugunan.
Ngayon napapaisip ako kung masyado na nga ba akong attached sa mga tao sa aking paligid? Mali bang maging attached? Ang hirap kasi nilang pakawalan o makitang lumayo sapagkat sanay akong lagi lang silang nariyan. May mga tao rin kayang attached na rin sa akin? Mararamdaman kaya nila ang mararamdaman ko kung mawala man ako?
Nakababahala lamang na ganito ako mag-react sa mga sitwasyon kung saan nasasangkot ang mga taong malapit sa akin. Sa kondisyon ng utak kong ganito, masama ang masyadong maging malapit sa mga tao. Hindi maganda ang kinalalabasan kapag bigla na lang silang nawawala. Yung tipong bahagi na sila ng pang-araw-araw mong buhay tapos biglang magbababay. Nasubukan ko na ng maraming beses at sobrang nakapanlulumo. Ngayong mga oras na itong naaalala ko, hindi lang oa, nararamdaman ko pa rin ang bigat ng pakiramdam noong nangyari dati. Hindi nakakatuwa.
Dahil tuloy rito ay naaalala ko ang isang taong bigla na lamang dumating sa buhay ko at sobrang tumatak sa akin ngunit sa saglit na panaho'y nagpaalam din. Ang tunay na dahilan kung bakit nya ako iniwan ay dahil hindi nya matanggap ang kalagayan ko. Hindi nya matanggap na minsa'y hindi ko lang mapigilang gustuhing mawala sa mundo. 'Yun ang sinabi nya sa aking rason at kahit marami akong tanong, siguro nga 'yun 'yon.
Hindi ko nagugustuhan ang pinatutunguhan ng post na ito. Bakit ko pa kasi sinimulan...
No comments:
Post a Comment