Sa ngayon ay nagbibigay ako ng aking mga haka-haka tungkol sa kaligayahan at ang walang katiyakan nito. Maraming palagay tungkol sa paraan ng pagkakamit ng kaligayahan. Sa aking opinyon tulad ng aking sinasabi sa aking kaibigan, ang kaligayahan ay wala na sa mga tunguhin ng mga tao sa panahong ito. Hindi na natin mahahanap ang kaligayahan. Hindi nga natin alam kung ano talaga ang kaligayahan kaya't natural lang din na hindi natin ito makuha.
Masyado nang nabilog ng media ang ating mga utak sa pagpapaniwala sa atin na ang kaligayahan ay isang konsepto na nagpapahayag ng pagiging masaya ngunit kung ganoon lang kasimple 'yon edi ang dami na sanang tunay na maligaya. Ang tanong pa'y paano nga ba magiging maligaya? Ano dapat ang depenisyon ng kaligayahan kung hindi ito simpleng kasiyahan? Isa pang pagpapalagay ay maari namang hindi kalungkutan ang resulta ng kawalan ng kaligayahan. Maaaring mali ang konsepto natin nito kaya't nagkukumahog tayong gawin ang lahat upang makamit ito ngunit naliligaw lamang. Sa kasamaang palad, hindi tayo pinahihintulutan ng siyang may kapangyarihan na paglaruan lamang ang kaligayahan kaya't isang bagay ito na kailangang siliping mabuti at lubusang maintindihan upang tuluyang mabatid ang nararapat upang tumungo sa kaligayahan.
Nalilito na ako kaya't ilalagay ko na lamang ang aking mga kuro-kuro sa aming usapan tungkol sa kaligayahan. Ang una ko yatang gustong ipahiwatig ay sobrang malayo na sa katotohanan ang mga happy ending sa mga kwento. Ang kaligayahan ay isang bagay na hindi na kayang makuha ng kahit sino sa mundong ito.
- ang mga happy ending laging walang kasiguraduhan kaya hindi rin natin masasabing"happy" talaga. maraming maaaring mangyari.
- ngunit kung trahedya ang magiging katapusan ng kwento. sigurado kahit detalyado pa ang mga pangyayari ay masasabi mong yun na talaga yun at wala nang iba pa.
- sa bagay kailangan mo silang gawan ng ideal na happy ending dahil nabubuhay pa rin sila sa gawa-gawang mundong mayroon pang existing na kaligayahan.
- walang kaligayahang mababaw. katuwaan lang siguro yun pero ang kaligayahan ay definite. iisa lang ito at wala na ito sa mundong ating kilnalalagyan.
- ang kaligayahan ay isang karanasan, ultimate at pangmatagalan. hindi ito mahahanap sa isang hamak na nilalang lamang. mali ang patutunguhan ng kaligayahang ibinigay lamang ng isang nilalang dahil maaari itong mawala sa panahong maisip ng nilalang na ito na hindi na ikaw ang kaligayahang kanyang hinahangad.
- sa kaligayahan namang iyong tinutukoy, nararating lamang ito ng mga taong ginamit ang lahat ng maaring paraan upang gawing makabuluhan ang paglalakbay nila rito sa mundo. ang kaligayahang matatanggap mo mula sa ganitong paraan ang siyang hindi mapapantayan. isang malaking pagkakamali kung iisipin ng mga taong makukuha nila ang kaligayahang ito sa madaling paraan gayundin naman kung sila'y magpapakasakit. ang kaligayahang ito'y matatagpuan lamang kung maaabot ng ating pang-unawa ang tunay na layunin ng buhay na ito. isang bagay na hindi kaya ng aking pag-iisip sa mga panahong ito.
- sa aking pananaw, maaaring walang kasulatan o kaya'y mga gawa ng pananampalataya ang makapagtuturo sa atin kung ano o paano marating ang kaligayahan. lahat ay haka-haka lamang kaya nga't walang nakababatid kung ano ang mayroon kapag tayo'y tumawid na sa ibang dimensyon ng buhay. Sa aking paniniwala ay nakatago sa bawa't isa ang paraan at daan tungo sa kaligayahan ngunit mahirap itong saliksikin o kaya nama'y matagal na itong nakahain sa ating mga harapan ngunit mahirap lamang talaga itong makita sa mga panahong ito. walang nakakaalam kung ano ba itong kaligayahang ito kaya't malabo na itong sapitin ng sinuman.
- sa paghanap na iyon ay tila naghahanap tayo ng wala dahil maaaring ang kaligayahan ay isang beses lamang nating mapanghahawakan. ang kaligayahan na ating tinutukoy ay nawala na at lalong mahirap hanapin dahil sa iba't ibang konsepto nitong binigyang buhay ng mga tao. ngunit ang nag-iisang kaligayahan ay nagmimistulang isang misteryo sa atin ngayon at wala nang makaiintindi pa dahil nasakluban na ng kadiliman ang bawat isa sa atin.
- walang makapagsasabi kung ano ang kaligayahan. sa ngayon, siguro'y dapat gawing malinaw sa ating mga nilalang na ang kaligayahan ay hindi siyang nakapagpapasaya lamang sa atin. hindi nga natin sigurado ang kaligayahan ngunit pihadong mahihirapan nating mahanap natin ito. marapat sigurong simulan nating ihiwalay ang ating mga sarili sa mga bagay na naglalayo sa atin sa ating sarili. sa ating sariling siyang binigyan Niya nang buhay at doon simulan ang paghahanap at pagtatanong kung mayroon pa ba tayong makakamit na kaligayahan. doon tayo'y aasang makahanap ng sagot kung nasa atin ba ang kaligayahan o talagang hindi na ito abot ng ating mga kamay sa mundong ito.
No comments:
Post a Comment